Live to LEARN

Laban Lang, Laban Pa

Paunawa: Ang panulat na ito ay pawang kathang isip lamang at hindi hango sa tunay na buhay o pangyayari. Ang tanging hangarin lamang ay ang magkaroon ng bukas na isipan sa kasalukuyang sitwasyon ng mga Pilipinong OFW.

Ako si Loisa isang asawa, isang ina na sampung taon ng nagtratrabaho sa ibang bansa bilang isang caregiver. Sa sampung taon ay may ilan bagay narin naman akong naipundar gaya ng lupa na nabili ko sa aming bayan, ganon din ang tricycle na ngayon ay pinagkikitaan at ibinabiyahe ng aking asawa. Napagtapos ko na rin sa highschool ang aking dalawang anak sa katunayan nga e kauuwi ko lang noong nakaraang Hunyo para dumalo sa graduation ng aking bunso. Patuloy parin ako sa pagtratrabaho para matupad ang ilan pang mga pangarap, ang makapag patayo ng maayos na tahanan at mapag tapos sa kolehiyo ang aking mga anak. Madami dami parin nga ang mga taong bubunuin para matupad ang mga ito. Kailangan pa ng maraming lakas ng katawan, loob at pananampalataya para maisakatuparan ang mga ito.

Ngunit papano? Sa sampung taon ng aking pagtratrabaho ang dami ng pasakit at sama ng loob ang aking dinanas kakayanin ko pa kaya lalo na ngayon na gulong gulo ang aking isip at kalooban dahil sa isa na namang problema. Naloko kasi ako ng isang investment scheme sa halagang $2,000. Ang sabi sa akin hindi ko kailangang mag invite o magbenta ng produkto hindi daw naman networking iyon. Isa daw kumpanya na parang kooperatiba na nagpapahiram din ng pera subalit mas malaki ang interest na makukuha 10% kada buwan. Noong unang buwan nakabigay nga at pinahulog ko direkta sa aking bangko yung pangalawa at pangatlong buwan ayun di ko na makontak ang kumpanya magpapasko pa man din. Hindi nga ito alam ng aking asawa at mas pinili ko na wag na lang ipaalam dahil alam ko na mapagsasabihan na naman ako at matatawag na tanga. Mayroon kasi siya dating hinihingi para daw naman sa pambili ng manok na panabong e hindi ko na siya pinag bigyan dahil sa bukod sa makailang beses ko na siyang napadalhan para sa pambayad ng utang ng dahil sa sugal. Hindi korin naman siya masisi dahil ang lagi niyang dinadahilan na wala siyang ibang mapag libangan dahil sa lungkot ng wala ako sa tabi niya kesa sa daw naman na siya e mang babae.

Bago din ako lumisan, napangakuan ko rin ang aking ina na tulungang mapatapos ang isa kong kapatid dahil wala narin silang maasahan bukod sa akin, sayang daw naman dahil masipag mag aral kaya ayun tinulungan ko na mag aral sa kolehiyo pero sa ikatlong taon niya e parang nawalang saysay ang pagpapagod ko dahil sa bigla na lang tumigil ayun pala ay nagdadalang tao na. Nakakapang hinayang, kung inipon ko na lamang iyon para makapag pasimula ng munting bahay baka ngayon e mas sarili na kami kahit papano. Ito namang biyenan ko e talagang umaasa sa $100 na padala dahil nga sa kanila nakatira ang aking mag aama bukod pa sa $300 na regular na allowance para sa kanila. Hindi ko nga alam kung paano ko napagkakasya ang lahat ng kagastusan. Bukod kasi sa regular kong trabaho di na ako nag da day off, ipinagpapartime ko na lang ang bakante kong mga oras. Kaya heto kayod parin kahit araw ng day-off, para lamang matustusan ang lahat ng mga pangangailangan. Ito ngang panganay ko nagsasabi ng papaskong cellphone yun daw latest hindi ko naman mapahindian dahil minsan din lang namang humiling. E heto nga at ang aking cellphone na gamit ay pinag lumaan lang ng aking amo, di ko naman kailangan ng magandang cellphone ang mahalaga ay yung nagagamit. Kahit rin ang gamit kong mga damit at sapatos mga bigay ng amo, hindi ko rin naman kailangan ng magagarang damit minsan din lang naman akong lumabas. Ang gagastusin ko para sa sarili e ilalaan ko na lang sa aking mga anak dahil mahal ko sila.

Naalala ko sampung taon na ang nakakaraan pagmamahal sa pamilya ang dahilan kung bakit ko naiisipang mangibang bansa. Isa akong dating guro sa mababang paaralan sa aming bayan. Maganda naman ang aking trabaho ngunit hindi naman sapat ang sweldo. Ako kasi ang panganay sa amin at ang asawa ko naman e walang trabaho. Nakikitira lang din kami sa bahay ng aking biyenan kasama ang isa kong hipag at dalawang bayaw. Kapag may pangangailangan ang aking ina dahil sa kapatid kong nag aaral lalapit at manghihiram kahit pamasahe lang daw ng kapatid ko na nag aaral sa Maynila noon. Ito namang aking biyenan e itinoka ako na magbayad ng mga bayaring kuryente,tubig at grrocery kaya wala ring ngang nangyayari sa sweldo ko, nakakapagloan pa. Ito namang asawa ko, mabait naman kaya lang tamad, walang tinatagalang trabaho kaya nganga rin lang. Sa hirap ng sitawsyon sa pamilya mas pinili ko ang mangibang bansa para matugunan ang mga pangangailangan at umaasang magiging maayos ang lahat kahit na masakit sa kalooban dahil pitong taon pa lamang si tutoy at anim naman si ineng ang bunso namin.

Noong unang mga taon, sadyang napakahirap sa kalooban, hindi ka makalunok ng pagkain kahit na masarap pa ang iyong kakainin. Bigla na lamang tutulo ang luha sa kalagitnaan ng pagtratrabaho dahil hindi lang sa pagod na nararanasan kundi dahil narin sa kalungkutan na nararamdaman. Yun bang dating sanay ka nasa pagdating ng umaga magluluto at maghahanda ng almusal para sa pamilya at pagdating naman ng hapon ay maghahanda para sa kaganapan sa kinabukasan. Ngayong nandito na sa ibang bansa, gigising ka ng para bang hindi ka pa nakakatulog, at uunahin mo muna ang alagang matanda bago ang mag banyo at mag sipilyo. Maghapong kasa kasama ang alagang matanda na wari bang kahit kayo lang dalawa e parang sampung tao ang iyong kasama dahil sa maya’y maya ay uutusan ka. Sasabihan ka pa na idiot o stupido kapag nagkamali ka. Minsan nakakapang liit sa sarili naturingan pa man din akong guro. Hay buhay, kung hindi ko lang mahal ang aking pamilya diko titiisin ang buhay na pinili ko pero diko ginusto.

Sa darating na Sabado birthday ko na, ito na ang ika-apat napu’t limang taon ng aking buhay at kagaya ng dati, mag isa ko itong ipagdidiwang sa loob ng aking kwarto habang ka chat ang aking mga anak at asawa. Nasanay narin ako, masaya na akong nakikita sila habang kinakantahan ng Happy Birthday at sabay ang blow ng candle at cake na ako ang kakain mag isa. Mayroon din naman akong mga kaibigan dito na aking napag kwewentuhan ng aking mga lungkot at saya. Walong taon ko naring kasa-kasama sina Olive at Jane na pawang mga magulang at care giver na gaya ko rin. Ito ngang si Jane noong isang araw e nag iiyak sa akin dahil sa nalaman na daw sa kanila ang kaniyang pakikipag relasyon sa kapwa namin care giver. Nagawa lang daw naman niya iyon dahil narin sa pakiki apid ng kanyang asawa sa iba. Sabi niya nuong una e gumanti lamang siya sa kanyang asawa kaya niya nagawa iyon pero ngayon e mahal na daw niya ang kanyang kinakasama. Kaya ayun nag iiyak siya hindi dahil sa kasalanang nagawa niya kundi dahil sa takot na baka mawala siya sa buhay niya. Ito namang si Olive e malaki rin ang problema, maibigay lamang ang lahat sa pamilya kahit na 5 6 na utang e papatusin niya. Ayun nga at lumulubog sa utang di na nga makapag facebook at baka masingil ng mga pinagkakautangan kaya ayun hindi narin nalabas ng trabaho.

Wala namang akong problema gaano sa pera dahil napagkakasya ko namang lahat basta kayod lang ng kayod habang may makakayod, kudkod lang ng kudkod habang may ma kukudkod. Kaya lang ang problema ko ngayon ay ang madalas na pananakit ng aking likod. Hindi na nga ako maka higa sa kaliwang panig ko dahil siguradong mas sasakit pa ito. May insurance naman ako, natatakot lang akong mag pa check at baka kung ano na ito, nadadala pa naman ng pain reliever. Kapag hindi na madala ng gamot saka na lang ako magpapa check-up.

Hating gabi na naman at kailangan ko ng matulog para sa muling lakas at hamon sa kinabukasan. Ang akala ng iba ang sarap ng buhay dito sa abroad, akala ng iba ito ang tiyak na kasagutan ng pangarap na maka ahon sa kahirapan, akala ng iba madaling kumita ng pera. Pero ang katotohanan, kapalit ng lahat ng mga natatamong biyaya ng pamilya ko sa Pilipinas dahil sa pinapadalang mga dolyar ay hirap, sakripisyo at mga luhang di maubos ubos ng dahil sa lungkot. Wala na akong magawa, ang nais ko na lamang ay makita na maayos ang pamumuhay ng aking mag-aama. Kung ilan taon pa ang lakas na ipag aadya ay gagawin ang buong makakaya kahit na kapalit man nito ay hirap at dusa kaya LABAN LANG, LABAN PA.